Mga kuwento ng pagkawala ang matatagpuan sa Ebanghelyo kahapon (Lukas 15: 1-32), ang pagkawala ng iisang tupa, ng iisang pilak, at ng iisang anak. Ngunit, may dalawang uri ng paghahanap at pagkatagpo. Una ay ang sa tupa at pilak. Aktibong hinanap ng pastol at ng babae ang mga nawawala, nilakbay ang kaparanganan, hinalughog ang tahanan. Gayumpaman, nanatili ang ama sa kaniyang lupain. Nang bumalik ang alibughang anak, ang sabi niya, “ang anak kong ito ay namatay na, ngunit siya ay nabuhay; nawala ngunit natagpuan.”

Natagpuan ang anak ngunit wala namang sinabi sa talinghaga na hinanap siya ng kahit na sino man. Paano masasabing natagpuan kung hindi naman hinanap? Kaugnay din ito marahil ng isa pang kakatwa sa pahayag ng ama: ang pagturing sa anak bilang namatay na noong nawala ito, at nabuhay muli noong nakita niya sapagkat nagbalik.

Dalawa ang paggamit sa salitang “tagpo”. Una nga ay iyong matagpuan ang nawawala. Ikalawa ay ang pagtatagpo, tagpuan, nagtagpo. Sa ikalawa, wala namang nawawala, may kasunduan ang dalawa o higit pang magkakilala na magkita. Ang mismo ngang pagtatakda ng pagtatagpo ang siyang nagbibigay ng posibilidad ng pagkawala, at sa mga nag-iibigan, ng pagwawala.“Hindi siya dumating sa aming tagpuan.” “Saan ka nanggaling? Kanina pa kita hinihintay rito.”

Makapagbibigay ng liwanag sa Ebanghelyo ang dalawang magkapatong na kahulugang ito. May posibilidad lagi ng pagkamatay, ng di-pag-iral, ng pagkawalang-wala ang hindi pagkakita sa isang tao. Hindi natin kailanman matitiyak na walang mangyayari sa mga iniibig natin sa sandaling mawala sila sa ating paningin. Nakasandig sa matinding pag-asa ang pagsasambit ng “Ingat,” “Hanggang sa muli,” “Sa susunod ulit,” “Next time, tol,” “Magtext ka pagkauwi mo.” Ito rin ang dahilan kung bakit bihirang sabihin ang “Paalam”, kung bakit “Hasta luego” ang pinapasabi sa Espanyol sa halip na “Adios”, o kung bakit maging ang salitang “paalam” ay halos walang bahid ng paglisan, o kung bakit pagbabalik o muling pagkikita na ang ipinapahiwatig ng ekspresyong Tsino na 再见, o kung bakit “God be with you” ang etimolohiya ng salitang “goodbye” at pag-ingat din ang ipinapahiwatig ng “farewell”. Wala yatang karaniwang pamamaalam sa kahit saang wika na deretsahang sinasabi—kahit na hindi na talaga magkikitang muli ang nag-uusap—ang pagkawala.

Samakatwid, kahit ang paghihintay ay paghahanap pa rin. Hindi nawawala ang pag-alala at pag-aalala—gaano man ito kalakas o kahina—sa hindi pa nakikita kahit na nakaabang lang ang isang naghihintay sa isang estasyon ng bus. Kung kaya’t tuwing naaalala ang isang iniibig na hindi kasa-kasama, sinasabi natin o kinakata na “Hinahanap-hanap kita” kahit iyong higit na sikat na “miss na kita,” sapagkat kapag “miss” natin ang isang tao ay ipinapahiwatig nating may kulang sa atin, at iyon ay ang iniibig natin. I’m missing you. Kumbaga, wala ka at ang mismong pagsambit ko ng pahayag na ito ay paghahanap sa iyo.

Sa sandaling magtagpo ang nagmamahalan ay muli rin nilang natatagpuan ang isa’t isa. Muling napapatunayang buhay pa siya, buhay pa silang dalawa. Narito siya. Nandito ka na. Nandito ka nang muli. Nagtagpo muli tayo. Natagpuan na muli kita.

***

Dalawang bagay: napagtanto kong utang ko sa isang tao ang idea na matinding pag-asa ang nananalaytay sa bawat pag-alis. Kilala mo na kung sino ka, kung binabasa mo pa ito.

Ikalawa, napagtanto ko ring mukhang misreading ito ng Ebanghelyo. Tungkol sa mga makasalanan at pagbabalik-loob ang Ebanghelyo, pero nauwi na naman yata sa kasentihan. Pero sa kung sino mang nagbabasa nito, papunta ang pagbasa ko roon, pramis. Pero paumanhin sapagkat marami pa akong balak isulat ngayong linggo. Nasasayangan ako ngunit kailangan ko munang ipagpaliban ang pag-iisip tungkol dito. At tutal, personal blog lang naman ito. Haha, nakakainis na palusot.

Huli

June 22, 2013

Image

Nahuling emosyon sa huling laro ng NBA season ng 2012-2013, na posibleng huling pagkakataon na rin na magkasama sa court sina Popovich, Duncan, Parker, at Ginobili. Lungkot ang emosyon na iyon. Masakit.

Maraming salamat sa pagpapakita sa mga mortal na katulad namin kung paano laruin ang basketbol nang tama at puno ng kasiningan.

Akong naniniwala

June 13, 2013

Akong naniniwala pa rin sa mumunting sandali ng pagbubukang-liwayway sa bus patungong Las Piñas habang bumubukas-sara ang palad ng isang ina at tinutulog ng sanggol ang kaniyang kinabukasan, hindi ko pa rin naiintindihan ang bigat ng iyong gaan.

Katha ang nasa
dulo ng dila

ang bawat alaala
wika ng nawawala

ang pangalan ng pag-asa
ang limot at dusa

ang nagtatala sa mga tala
bago magbago ang tulala

lilikha, lilikha
sa sandaling hinga

Minsan, o baka pa nga sa maraming pagkakataon, makasarili ang umibig.

“Hindi ko iyan problema,” ang sabi mo sa akin noong huli akong nagtapat ng pag-ibig sa iyo. At tama ka. Kahit handa akong magbuwis ng buhay para sa iyo, kahit kaya kong ipangako ang walang hanggan, kahit na wala akong ibang hangad kundi ikaw, kahit na damang-dama kong wala na akong iibigin pa na higit sa iyo, kahit na ikaw ang nagbibigay-kahulugan sa buhay ko at ang sentro ng uniberso ko, makasarili pa rin ang ibigin ka sapagkat hindi mo naman ako iniibig.

Noon ko lubos na natanto ang matagal ko na ring pinag-iisipan: makasarili ang umibig sa taong hindi ka iniibig. Gayundin, makasarili ang umibig maging sa taong hindi ka pa iniibig, o hindi ka na iniibig. Sa kahit anong kalagayan, may panghihimasok na nagaganap, may kakapalan ng mukha. Ano nga ba ang karapatan ng isang tao na mag-alay ng tsokolate, rosas, oras, tula, o buhay sa isang taong mabubuhay naman nang wala ang lahat ng romantikong gawi na iyon? Mukhang makapal din talaga ang mukha ng umiibig na nanlilibre ng dinner sa iniibig na may trabaho naman. Romantiko, oo, pero makasarili. Ginagawa naman iyon upang mangyari ang nais, ang makuha ang matamis na oo. Kung kaya’t ang lahat ng “para sa iyo,” sa puno’t dulo ay “para sa akin” pa rin, gaano man magdusa o maghirap ang umiibig.

Makasarili ang maging sawi, ang manatiling umasa gayong wala naman nang pag-asa, ang masaktan sapagkat iniwan. Nakakakulong sa iniibig ang maging sentro pa rin ng mundo ng umiibig kahit na wala na siya, umalis na siya sa mundong iyon. At ang patuloy na umasa ay hindi naman talaga kamartiran sapagkat ang sariling kaligayahan naman ang iniisip. Kahit na magbago pa para sa sa kaniya, sarili pa rin iyon.

Saklap, pero mukhang totoo. Hindi kadrama-drama ang umibig nang hindi nasusuklian. Hindi rin dapat sisihin ang iniibig sa kalungkutang nararanasan. Sarili ang may pasiyang umibig, para sa sarili.

Sa dulo ng lahat, nag-iisa pa rin tayo. Limitasyon natin ang sarili. Hinding-hindi tayo makalalabas, gaano man tayo magtangka. Kung gayon, hindi rin natin mauunawaan nang lubos ang kahit anong ugnayan natin sa isa’t isa. Matagpuan man natin ang sagot sa maraming misteryo ng uniberso, makailang hakbang man tayo papalapit sa isang omnisyenteng pag-iral, mananatili pa rin ang distansiya natin sa isa’t isa, hindi gumagalaw, walang pag-usad. Sa dulo ng lahat, nag-iisa pa rin tayo.

Ngunit dito rin nabubuo ang tiwala, ang pag-asa, ang pag-ibig–sa pagitan ng isa’t isa, ng bawat isa, sa likas na kakulangan at limitasyon ng ating karunungan. Ito ang hiwaga. Alam kong hindi mo ako mauunawaan nang lubos-lubos ngunit iaalay ko pa rin ang sarili ko sa iyo. Ibubuhos ko pa rin ang kalooban ko. Ikukuwento ko pa rin ang mga pinakatinatago kong lihim. Aasa ako, kahit lagi’t lagi, sa simula’t sapul, hanggang sa puno’t dulo ay nakaamba ang paghihiwalay. Itatawid pa rin natin ang ating sarili, kahit na alam nating kabiguan ang kahihinatnan, kahit na hanggang pagtawid na lamang at walang pagdating.  Mahal kita kahit na ang pumipigil sa atin ay ang isa’t isa.

Hated myself for not realizing that this was such a beautiful take. I only found out later that this is one of the greatest shots ever taken. Kainis, kinailangan ko pa ng paliwanag para magandahan. Marami pa nga talaga akong kailangang pag-aralan sa pelikula. Pero ngayong may kaunting  alam na ako sa estetika ng long take, ang galing lang talaga ni Scorsese dito. At dahil dito, nakalista na ang mga pelikulang papanoorin ko para makita ang iba’t ibang employment ng long take sa pelikula.

Nababagabag na ako sa hilig kong magsulat ng mga personal na bagay, lalo pa’t malaking tanong sa akin kung papaanong nakukuha ng ibang tao na ilantad ang kanilang sarili sa mga social network. Siguro kasi, kaunti lang naman ang nagbabasa sa blog ko at kilala ko pa ang karamihan sa kanila? Hindi rin naman, kasi may opsiyon naman na ipabasa lang ito sa mga piling tao.

Dati, sinasabi ko, may politika rin dito. May kahit papaanong halaga kung kaya’t nakapubliko at hindi na lang isinusulat sa jornal.  Ano ito, politisasyon ng mga personal na usapin, o personalisasyon ng politikal na usapin (dahil nga kasi, ang personal ay politikal). O ‘di kaya, pagtatangka ng isang lalaki na makahulagpos sa kaniyang patriyarkal na pag-iisip. O, pagsisikap ng sarili na magbago para sa Iba, o sa iniibig na Iba. Ayos lang naman kung ganoon. Pero kapag binabalikan ko ang mga isinulat ko, ang pangit ng dating. Minsan, o baka pa nga madalas, parang sarili ko lang ang umiiral sa uniberso. O ‘di kaya, simpleng emo-emohan lang talaga.

Hindi ko naman binuo at ipinagpatuloy ang blog na ito para sa pagrarant o sa pag-iyak gamit ang mga letra.  Sa isip ko, may pangangailangan pa ring ipagsanib ang personal at politikal, dahil ang lahat naman ng uri ng pagwika, kahit “obhetibo” man ito, ay may bahid ng sarili. At ang pagtago sa katangian nito ng pagwiwika ay lalo pang nakapagpapalala sa kung ano mang “epistemikong karahasan,” o iyong mga sistema ng dominasyon at opresyon sa loob ng wika. Sa katunayan, kung mananatiling burado ang sarili sa maraming usaping politikal, at vice versa,  lalo pang mananaig ang pagiging makasarili.

Read the rest of this entry »

Maraming nangyari noong nakaraang summer. At ang pinakamaipagmamalaki ko sa lahat ng nangyari ay ang listahang ito. Tumigil ako sa panonood ng TV series at tumutok sa pelikula. At dahil doon, nangalahati na ako sa movie project ko. Saya!

27. 71 Fragments of a Chronology of Chance

Kapag pinanood mo iyong pelikula, tapos binalikan mo ito, kikilabutan ka. Well, hindi naman siguro kilabot. Bagabag siguro. Napaka-boring ng pelikulang ito. Pero tingin ko, sadya iyon. Kailangan. At kapag nabagot ka nga, at nakarating ka na sa katapusan, wala ka na yatang magagawa kundi magnilay.

28. Easy A
29. Bourne Ultimatum
30. Wall-E

31. Synecdoche, New York

Hindi ito ang pinakamagandang eksena. Pero ito iyong unang eksena sa pelikula na hindi ako makapaniwalang tinangka talaga. Ibang klase. Ang galing. Napaka-uhm-surreal? Haha. Ang tapang ni Kaufman para ipasok ito.

32. Monty Python and the Holy Grail
33. Avatar
34. A Very Long Engagement

35. Se7en

Dialogue and character. Hindi mapu-pull off iyong astig na plot ng pelikula kung nag-fail iyong unang dalawa. This movie is just fucked up. I mean, Brad Pitt can act? Holy shit. Joke, marunong naman talaga siyang umarte.

36. Contagion
37. Departures

38. Crash
“It’s the sense of touch. In any real city, you walk, you know? You brush past people, people bump into you. In L.A., nobody touches you. We’re always behind this metal and glass. I think we miss that touch so much, that we crash into each other, just so we can feel something.”
Plot-wise, maraming gamit nang devices. Melodramatic din. Pero tangina, pagkatapos kong mapanood ito, ang sakit-sakit ng puso ko.

39. The Godfather II

Cold-hearted bastard. At iyon lang ang sasabihin ko. Ang dami kasing dapat sabihin! Siguro sorry na lang. Sorry at ngayon ko lang natapos iyong trilogy. Malaking kasalanan.

40. The Godfather III
41. 50/50
42. Fight Club
43. American Beauty
44. Prometheus

45. An Education

Por Dios por santo, Carey Mulligan! Parang nagkakasala rin ako habang pinapanood ko ito. Iyong build-up, ang galing. Iyong resolution, meh. Pero pakialam ko ba doon. Carey Mulligan, ’nuff said.

46. La mala educacion (Bad Education)
47. You Will Meet a Tall Dark Stranger
48. Slumdog Millionaire
49. Zombieland
50. Scott Pilgrim vs. the World

51. Kamikaze Girls

Animation ang simula, pagkatapos babaeng nakabestida na nagmomotorsiklo. Ay wala na, sabi ko, weird ang pelikulang ito. At hindi naman ako nagkamali. Pero sobrang ganda ng pagka-weird niya! Kung attempt ito na isapelikula ang postmodern experience, panalong-panalo. Pero kahit naman ituring ito na paghahanap ng identidad, kaibigan at kabibilangang mundo, ayos na ayos pa rin. Pero teka, bakit ko ba ipinaghihiwalay iyon, e mukhang magkaugnay at magkasabay na proyekto iyon ng pelikula. Nakakaaliw ito. Nakakaaliw. Nakakaaliw.

52. Goodfellas
53. Ju-on: The Grudge
54. Ju-on: The Grudge 2

Ang pagbabalik

June 18, 2012

Mukhang handa na ako. Kaya ko na muling seryosohin ang pagsusulat. Gagalangin ko na muli ang mga salita na parang panalangin.