Talinghaga ng mga paghahanap sa nawawala

September 16, 2013

Mga kuwento ng pagkawala ang matatagpuan sa Ebanghelyo kahapon (Lukas 15: 1-32), ang pagkawala ng iisang tupa, ng iisang pilak, at ng iisang anak. Ngunit, may dalawang uri ng paghahanap at pagkatagpo. Una ay ang sa tupa at pilak. Aktibong hinanap ng pastol at ng babae ang mga nawawala, nilakbay ang kaparanganan, hinalughog ang tahanan. Gayumpaman, nanatili ang ama sa kaniyang lupain. Nang bumalik ang alibughang anak, ang sabi niya, “ang anak kong ito ay namatay na, ngunit siya ay nabuhay; nawala ngunit natagpuan.”

Natagpuan ang anak ngunit wala namang sinabi sa talinghaga na hinanap siya ng kahit na sino man. Paano masasabing natagpuan kung hindi naman hinanap? Kaugnay din ito marahil ng isa pang kakatwa sa pahayag ng ama: ang pagturing sa anak bilang namatay na noong nawala ito, at nabuhay muli noong nakita niya sapagkat nagbalik.

Dalawa ang paggamit sa salitang “tagpo”. Una nga ay iyong matagpuan ang nawawala. Ikalawa ay ang pagtatagpo, tagpuan, nagtagpo. Sa ikalawa, wala namang nawawala, may kasunduan ang dalawa o higit pang magkakilala na magkita. Ang mismo ngang pagtatakda ng pagtatagpo ang siyang nagbibigay ng posibilidad ng pagkawala, at sa mga nag-iibigan, ng pagwawala.“Hindi siya dumating sa aming tagpuan.” “Saan ka nanggaling? Kanina pa kita hinihintay rito.”

Makapagbibigay ng liwanag sa Ebanghelyo ang dalawang magkapatong na kahulugang ito. May posibilidad lagi ng pagkamatay, ng di-pag-iral, ng pagkawalang-wala ang hindi pagkakita sa isang tao. Hindi natin kailanman matitiyak na walang mangyayari sa mga iniibig natin sa sandaling mawala sila sa ating paningin. Nakasandig sa matinding pag-asa ang pagsasambit ng “Ingat,” “Hanggang sa muli,” “Sa susunod ulit,” “Next time, tol,” “Magtext ka pagkauwi mo.” Ito rin ang dahilan kung bakit bihirang sabihin ang “Paalam”, kung bakit “Hasta luego” ang pinapasabi sa Espanyol sa halip na “Adios”, o kung bakit maging ang salitang “paalam” ay halos walang bahid ng paglisan, o kung bakit pagbabalik o muling pagkikita na ang ipinapahiwatig ng ekspresyong Tsino na 再见, o kung bakit “God be with you” ang etimolohiya ng salitang “goodbye” at pag-ingat din ang ipinapahiwatig ng “farewell”. Wala yatang karaniwang pamamaalam sa kahit saang wika na deretsahang sinasabi—kahit na hindi na talaga magkikitang muli ang nag-uusap—ang pagkawala.

Samakatwid, kahit ang paghihintay ay paghahanap pa rin. Hindi nawawala ang pag-alala at pag-aalala—gaano man ito kalakas o kahina—sa hindi pa nakikita kahit na nakaabang lang ang isang naghihintay sa isang estasyon ng bus. Kung kaya’t tuwing naaalala ang isang iniibig na hindi kasa-kasama, sinasabi natin o kinakata na “Hinahanap-hanap kita” kahit iyong higit na sikat na “miss na kita,” sapagkat kapag “miss” natin ang isang tao ay ipinapahiwatig nating may kulang sa atin, at iyon ay ang iniibig natin. I’m missing you. Kumbaga, wala ka at ang mismong pagsambit ko ng pahayag na ito ay paghahanap sa iyo.

Sa sandaling magtagpo ang nagmamahalan ay muli rin nilang natatagpuan ang isa’t isa. Muling napapatunayang buhay pa siya, buhay pa silang dalawa. Narito siya. Nandito ka na. Nandito ka nang muli. Nagtagpo muli tayo. Natagpuan na muli kita.

***

Dalawang bagay: napagtanto kong utang ko sa isang tao ang idea na matinding pag-asa ang nananalaytay sa bawat pag-alis. Kilala mo na kung sino ka, kung binabasa mo pa ito.

Ikalawa, napagtanto ko ring mukhang misreading ito ng Ebanghelyo. Tungkol sa mga makasalanan at pagbabalik-loob ang Ebanghelyo, pero nauwi na naman yata sa kasentihan. Pero sa kung sino mang nagbabasa nito, papunta ang pagbasa ko roon, pramis. Pero paumanhin sapagkat marami pa akong balak isulat ngayong linggo. Nasasayangan ako ngunit kailangan ko munang ipagpaliban ang pag-iisip tungkol dito. At tutal, personal blog lang naman ito. Haha, nakakainis na palusot.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: